larawan mula sa
Tulog na! 'Nay! 'Tay!
Ako na ang magsisilbing ilaw na gabay
Sa kadiliman ng gabi, sa pagpupuyat ako'y sanay
Handang magmatyag, masigasig na magbantay
Masiguro lamang ang himbing sa inyong pagkakahimlay
Tulog na! Tsong! Tsang!
Mga alaga n'yong hayop na nagkakanda-ubusan
Na sa umaga'y masusumpungang nabawasan ang bilang
Nakawala sa kulungan, pugot ang ulo, wakwak ang tiyan
Mas masahol pa sa hayop pumaslang ang may kagagawan
Tulog na! Ate! Kuya!
Matikas pa sa sundalo, ako'y magsisilbing gwardya
Upang ang bayan nating muli'y maging payapa
Sa mga mapagsamantala ako'y 'di palulupig, 'di pasisila
Kasamaang kanilang tinataglay, buong pwersa kong pinupuksa
Ang aming munting nayon, noo'y tahimik at payapa
Biglang nabulabog ng iyakan, sigawan at mga haka-haka
Sa kalaliman ng gabi ay may gumagala
Isang kakaibang nilalang na sa kadilima'y namamalakaya
Kabilugan ng buwan kung ito'y mambiktima
Kasabay ng alulong ng aso, kaluskos ng dahon at tunog na kakaiba
Nakakakilabot, nakakapanindig-balahibo ang kanyang hitsura
Sabi-sabi ng mga matatanda na sa kanya'y nakakita
Sa porma ng aso, pusa, malaking ibon at baboy ramo
Matatalas ang pangil, mahahaba ang kuko
Mabilis kung kumilos, matulin kung tumakbo
Sa isang kisapmata'y mapupunta agad sa likuran mo
Isang Biyernes Santo nang siya'y aking makasagupa
Tangan ko ang sibat at itak na bagong hasa
Nagtamo ako ng mga kalmot, sugat at mga pasa
Pero siya'y aking napuruhan, tagos ang sibat na sa dibdib ay tumama
Umuwi ako ng bahay upang salubungin ang asawa
Bakas sa aking mukha ang pagod ngunit hatid ang magandang balita
Nagapi ko ang kampon ng kadiliman sa aming pagdidigma
Ngunit ano itong bumungad sa akin? Sadyang 'di ako makapaniwala
Aking asawa'y nasaksak, duguan sa bandang puso
Sino ang may gawa? Hindi ko matanto
Ito ba ang magiging kapalit ng aking sakripisyo?
Sino ang may sala? Maghihiganti ako!
Nakayapos ako sa kanya nang bawian siya ng buhay
Aking kinarga sa mga bisig katawan ng mahal kong nakahandusay
Isang garapon ng langis, sa aking pagtayo ay napalaylay
Nahulog mula sa bulsa ng bestidang aking ibinigay
Sa pagkawala ng aking irog, nanumbalik ang katahimikan
Ang dating lagaslas ng mga bagwis na naghahatid ng katatakutan
Wala ng magiging biktima ng patayan at karahasan
Nagkukubli na muli ang munting nayon sa dating nakagawian
Paalam aking mahal, isa ka palang aswang!
larawan mula sa
Lubos kong naibigan ang tula ni kuyog hangin na pinamagatang Awooo kaya naman gumawa ako ng isang tula upang sagutin o dugtungan at bigyan ng kakaibang kwento ang pagsalakay ng Aswang na nambibiktima. Salamat din kay @torania sa paglalathala ng mga sulatin ni kuyog hangin dito sa Steemit.
Thanks @johnpd! Kuyog Hangin loves your poem as well. I am convincing him to do steemit actually but he is still resistant with it. For now, I will continue sharing his works.
kung mabibigyan ng pagkakataon, nais ko sanang makapagsulat din na kabahagi ang kwento ni Kuyog Hangin. napakarami na niyang magagandang akda. at sana makabasa pa ako ng marami niyang gawa. 😊
Sana nga ay may sapat na oras ang aking kaibigan at makipagsabayan sya sa inyo sa tagalogtrail. hehehe.
Ibinahagi ang lathalang ito sa #pilipinas channel para sa mga curator ng Curation Collective Discord Community, binigyan ng upvote at ni-resteem ng @c-squared na account pagkatapos ng manu-manong pagsusuri.
This post was shared in the #pilipinas channel in the Curation Collective Discord community for curators, and upvoted and resteemed by the @c-squared community account after manual review.