Pagbati para kay Ama : Isang tula

image
Photo Credit

Lumaki akong di ka masyadong nagpapakita ,
Nasanay akong laging tumatawag kay mama,
Kulog at kidlat hinarap kong mag isa ,
At kailan may di sumasambit ng salitang papa .

Isang araw sa amin ika'y humarap ,
Napahinto ako at napasinghap,
Nagulat na lang ako nang kami'y iyong niyakap,
Galit man ako pero sa pakiramdam ay masarap.

Ilang buwan at taon sayo'y nahirapang makisama ,
Ayokong makita ka na nakaupo sa sala ,
Naiinis ako pag kumakain ka sa lamesa ,
Pakikitungo ko sayo at sa kanila ay ibang iba.

Naaalala mo pa ba noong sinakay mo ako sa bisekleta ?
Naiilang man ako pero kailangan makisama ,
Aksidenteng napasok sa gulong ang aking mga paa ,
Sa iyong reaksyon at pangamba naramdaman kong meron talaga akong papa .

Sinanay ko mang mabuhay na wala ka ,
Sinabi ko mang kaya kong mag-isa ,
Sinaisip ko man na wala akong ama ,
Pero iba pa rin talaga ang pakiramdam na may papa.

Pangit man ang unang pagkikita ,
May galit man at sakit ang unang pagsasama ,
Pero kailan man di ka sumuko na magpakita ,
Hanggang sa ramdam ko na ang pagdating mo'y hatid ay saya.

Hanggang ngayon ako ay buhay prinsesa ,
Ang turing mo pa nga sakin ay parang isang bata ,
Sa publiko taas noo mo akong kinakarga ,
At sabay magsasabing "nak ang bigat mo na".

Sa aming tatlo paborito mong asarin si mama ,
Mga sermon niya'y pinapalabas sa kabilang tenga ,
Di ko alam pero away niyo'y nakakatawa ,
Pero sa huli mahal niyo pa rin ang isa't-isa.

Matalik na kaibigan at kaaway mo si kuya ,
Ayaw na ayaw mo syang naglalakwartsa ,
Tinuruan mo siya kung paano gumawa ng tama ,
At tumayong ikaw sa panahong wala ka.

Sa araw na ito'y ikaw ay nagdiriwang ng kaarawan mo ,
Ang petsa ngayon ay ika-30 na nang Mayo ,
Numero kuwatro at siyam kana dito ,
Kuwarenta y nueve kung basahin nila ito .

Para sa isang huwarang ama na kagaya mo ,
Maraming parangal ang nararapat sayo ,
Isa sa yamang napakahirap hanapin sa mundo ,
Walang anumang bagay ang maipagpapalit sayo.

Tanging hiling sa iyong kaarawan ,
Magkaroon ng malusog na katawan ,
Iilang bisyo matutunan nang iwan ,
At kung ano ka ngayon manatiling ganyan.

At laging tatandaan papa ,
Mahal na mahal ka ni mama ,
Idagdag mo pa yung sa amin ni kuya ,
Kami'y palaging naririto para sayo at hindi magsasawa.

Please follow and support our very own @surpassinggoogle, @bayanihan, @teardrops and also @purepinay. VOTE @steemgigs as your witness!