Ang Pinakamahapding Bantas

in #philippines6 years ago (edited)


https://www.google.com/search?hl=en-PH&biw=1212&bih=734&tbm=isch&sa=1&ei=hTSXW5WOA9nBoATw5qPACA&q=panaklong&oq=panaklong&gs_l=img.3..35i39k1j0l4j0i5i30k1j0i24k1l2.3251.4744.0.4933.9.9.0.0.0.0.156.921.6j3.9.0....0...1c.1.64.img..0.9.919...0i67k1j0i10i24k1.0.-u4gc_EAnZA#imgrc=9J0tSI867Rm69M:

Hindi ba kapag nagmahal ka, ang daling magsulat? Di ba dapat sindulas ng lagaslas ng tubig sa ilog ang daloy ng tinta ng aking panulat? Kapag nagmahal ka raw, kaya mong magsulat ng ilang libong salita, mga salitang bubuo ng kwento, mamumulaklak ng tula, magsusupling ng mga anekdota at matatamis na tanaga. At kapag tapos ka nang magsulat, saka mo mapapansing nakabuo ka na pala ng isang nobela.

Ngunit bakit ikaw ang tuldok ng aking pangungusap, ang walang kausad-usad na talata, ang kwentong di ko masulat-sulat? Sa tuwing nakikita kita, binubuhay mo ang aking haraya. Isang mundong ibig kong isatitik, ibig kong ikuwento. Ngunit sa sandaling hawak ko na ang panulat, di ko magawang ihalik ang nguso nito sa pahina. Ayaw makipagtalik ng papel sa pluma. Kinamumuhian ang aking tinta.

Kaya heto ako. Panay bura ng mga bulag na talatang walang kaisahan sa hubad na katotohanan. Panay bura sa mga maling baybay ng panaginip. Panay kaskas sa mahahabang pangungusap na panay kuwit – serye ng mga salita ng pag-asa, ng mga parirala ng kahibangan, ng mga sugnay ng huwad na lunggati. Hindi ko na yata talaga alam kung paano magsulat, kung anong bantas ang angkop gamitin. Kailangan ko ba talagang maglagay ng kuwit upang makapagpahinga nang saglit, ang mag-ipon ng sasayanging lakas? O tama na ba ang tandang padamdam, ang ibulyaw ang kahuli-hulihang panaghoy ng naghihingalo kong puso? O sunod-sunod na tandang pananong kaya, nang malaman ko kung umaasa lang ba ako sa wala? EWAN. Basta natitiyak kong hindi ako maglalagay ng panipi, dahil ang nararamdaman ko sa iyo ay totoo, isang karapatang-aring hindi ko isusuko. Kailanma’y hindi ko ito hinalaw o sinipi kahit saan. Isa itong binhing kusang nagkaugat, umusbong at namulaklak sa puso ko.

Panahon na bang lagyan ko ng tuldok ang lahat –nang hindi na ako aasa sa wala, nang magawa kong bumalikwas mula sa matamis na bangungot, nang di na ako masugatan pa? Dahil alam kong sa mga mata mo, isa lang akong pariralang nakakulong sa loob ng isang PANAKLONG.

Note: This is a short story of my friend. There are still more of his written works that I am going to post here. Hope you will like it. Thank you so much!

Always,
@torania