Mali Bang Ibigin Siya? (Maikling Kuwento)

in #literaturang-filipino7 years ago (edited)

window-view-1081788_1920.jpg

“Ariel…” bulong ko sa pangalan niya.

Inabot ko ang kaniyang kanang kamay habang nag-uunahan sa pagbagsak ang mga traydor na luhang pilit kong tinatago kani-kanina pa.

Patuloy sa pagdaloy ang mga iyon habang walang kurap akong tumitig sa kaniyang mga mata. Hindi ko maipaliwanag ang magkahalong emosyon na nararamdaman ng puso ko habang kitang-kita ko kung paano tila kuminang ang kaniyang mga mata dahil sa labis na saya.

Ngayong magkaharap kami sa loob ng napakalaking simbahan para sa pinakahihintay niyang araw, ang dami kong gustong sabihin sa kaniya. Ngunit nanatiling tikom ang aking bibig. Wala akong mapakawalan ni isang salita. Wala akong lakas ng loob para sabihin ang nilalaman ng aking damdamin.

Wala akong ibang ginawa kundi titigan siya habang kusang bumabalik sa aking isipan ang mga alaala ng aming nakaraan. Kung paano ako nahulog sa kaniya kahit alam kong hindi tama.



“Sarah, ‘di ba?” Sa unang pagkakataon ay nakahanap siya ng tiyempo para kausapin ako.

Umupo siya sa tabi ko habang tumingala sa itaas at pinagmamasdan ang mabituing langit.

Gusto ko mang iwasan siya kagaya ng lagi kong ginagawa sa tuwing sinusubukan niyang lapitan ako at kausapin, nanatili na lamang akong nakaupo at bahagyang lumingon sa kaniya.

Nang unang beses naming magkita at ipinakilala kami sa isa’t isa, ipinangako ko na sa sarili ko na iiwasan ko siya. Minsan na nga lang kasi akong magkagusto, doon pa sa maling tao. Bakit ba kasi ang lakas ng dating niya? Bakit ba kasi natural na nakakakilig ang kaniyang presensya? Bakit ba kasi sa dinami-rami ng lalaki sa mundo, sa kaniya pa tumibok ng kakaiba ang pasaway kong puso!

Alam kong nangako ako. Pero nang kinausap na niya ako, nabali ang aking pangako. Gusto ko siyang makausap, gusto ko siyang makilala at alamin ang lahat-lahat sa kaniya.

“Oo, ako si Sarah,” tipid akong sumagot at bahagyang yumuko habang nilalaro ang mga daliri ko.

“Alam kong hindi ka pa komportable sa ‘kin. Pero gusto kong malaman mong nandito lang ako kapag gusto mo ng kausap. Hindi lang din kausap, puwede mo rin akong maging sandigan at tagapagtanggol.”

Napatingin ako sa kaniya. Sa oras na naglandas ang aming mga mata ay hindi ko na nagawang umiwas ng tingin. Sa unang pagkakataon ay natitigan ko siya nang matagal. Kitang-kita ko ang tila pagkinang ng kaniyang mga mata na tila walang kung ano mang bumabagabag sa kaniya. Masaya ang mga iyon, walang halong lungkot o kung ano man. Pakiramdam ko’y nakakahawa ang sayang nakikita ko sa kaniyang mga mata kaya tila ayaw ko nang alisin ang titig ko sa mga iyon.

Ngunit nang biglang kumatok sa aking isipan ang katotohanang hindi ko siya puwedeng magustuhan, pinilit kong burahin ang kung ano mang kahibangang nangingingibabaw sa aking damdamin.

Dumaan ang mga araw at mas lalo kaming napalapit ni Ariel sa isa’t isa. Sa kaniya ko rin naramdaman ang pagmamahal na matagal ko nang hinahanap-hanap. Hindi pa man kasi ako naisilang ay namatay na ang aking Ama. Kaya siguro ganoon na lang ako kasabik na mahalin at alagaan ng lalaking magiging parte ng buhay ko. Gusto kong si Ariel ang magbigay sa ‘kin ng pagmamahal na inaasam ko. Gusto kong mahalin niya ako bilang kabiyak ng kaniyang puso, pagmamahal na hindi katulad ng ibinibigay niya sa akin. Alam ko namang hindi puwede, pero mali bang maghangad ako ng higit na pagmamahal mula sa kaniya?

Ngunit sa bawat araw na nakakasama ko siya, pinilit ko na lang na itakwil ang nararamdaman ko sa kaniya. Pinilit kong makitungo sa kaniya na walang halong malisya gaya ng pakikitungo niya sa akin.

Hindi kami puwede. Iyan ang isinisiksik ko sa utak ko lagi.

“Hindi mo pa ba sasagutin si Diego? Hindi ba’t mabait naman siya’t mayroon ding hitsura? Kung tatanungin mo ako, sa lahat ng manliligaw mo, mas boto ako sa kaniya para sa ‘yo,” komento niya nang isang beses ay binisita ako ng masugid kong manliligaw na si Diego.

Kung alam mo lang, Ariel…

“Bata pa ako para magkanobyo,” biro ko na lang sa kaniya kahit gusto kong sabihin na siya talaga ang gusto ko.

Tumawa siya at bahagyang ginulo ang buhok ko. “Isip bata kamo. Bente anyos ka na at tapos ka na ring mag-aral. Bigyan mo naman ng pagkakataon ang sarili mong maging masaya. Alam mo, kapag nahanap mo na ang taong tunay na magmamahal sa ‘yo at mamahalin mo rin ng buong-buo, mararamdaman mo rin ang walang kapantay na ligaya.” Sumilay ang kakaibang ngiti sa kaniyang mga labi pagkasabi niyon.

Napayuko ako dahil bigla na namang sumampal sa akin ang masakit na katotohanan.

“Nahanap mo na siya kaya ganyan ka kasaya,” komento ko habang nangingilid ang luha sa aking mga mata.

Tumango siya at sinserong ngumiti. Kahit papaano ay masaya ako sa naging sagot niya. Kahit papaano ay naging kampante ako. Pero hindi ko rin maitatanggi na sa kabilang bahagi ng aking puso ay naramdaman kong tila may pumiga rito.

Sa paglipas ng panahon ay sinubukan kong pigilan ang tuluyang pagkahulog ng puso ko sa kaniya. Pinilit ko mang ibaling ang tingin ko sa iba, ngunit sa tuwing nakikita ko siya ay lalo lang lumalalim ang nararamdaman ko sa kaniya. Hindi lang kasi ang panlabas niyang kaanyuan ang nakakahanga, pati na rin ang kaniyang magandang kalooban. Sa mga panahong magkasama kami ay ramdam ko na na tuluyan na nga akong nahulog sa kaniya kahit alam kong hindi tama. Sampung taon man ang agwat ng aming edad, pero alam kong mas bagay kami. Kaya lang, hindi puwede.



“Sarah…” Pinisil ni Ariel ang palad ko na dahilan ng pagbalik ng isipan ko sa kasalukuyan.

Walang sawa sa pagdaloy ang masaganang luha mula sa aking mga mata papunta sa magkabila kong pisngi. Sa huling pagkakataon ay tinitigan ko ang kaniyang mga mata upang iparamdam sa kaniya na mahal na mahal ko siya.

“Sa wakas, ikakasal na kayo…” sambit ko habang patuloy sa pagtitig sa kaniya na parang ito na ang huling beses na matititigan ko siya nang ganoon.

Pinisil ko ang kaniyang palad at napatingin ako sa magkahawak naming mga kamay. Ito na ang huling beses na hahawakan ko siya na may halong malisya. Kailangan kong magpaubaya. At sa oras na maitali na siya ng tuluyan, kailangan ko nang putulin ang mali kong nararamdaman.

Alam niyang mahal ko siya, pero hindi sa paraang inaakala niya. Higit pa kaysa roon ang pagmamahal ko sa kaniya. Higit pa sa pagmamahal ng isang anak sa Ama.

Ako na lang…

Gusto ko mang sabihin sa kaniya ang nararamdaman ko, pero alam kong hindi puwede. Maling mahalin ko siya. Kaya kahit masakit, magpaparaya ako para sa kaligayahan niya at sa taong pinakaimportante sa akin.

“Huwag kang mag-alala, mahal na mahal ko ang iyong Ina at iingatan ko siya.” Ngumiti siya bago ako tinalikuran.

Naglakad siya papunta sa harap ng altar para hintayin ang babaeng pinakamamahal niya – ang aking mahal na Ina.


--- WAKAS ---


pinagkunan ng larawan

7.png

Tropa ni TotoMaging bahagi sa pagpapalaganap ng wikang Filipino. Ikaw ba ay manunulat ng tula o maikling kuwento? O kaya ay nais malinang ang talento sa pagsusulat? Sumali sa mga patimpalak. I-follow ang @tagalogtrail para sa mga akdang Filipino at sumali rin sa aming talakayan sa discord:

Sort:  

The Tree of Life, or Etz haChayim (עץ החיים) has upvoted you with divine emanations of G-ds creation itself ex nihilo. We reveal Light by transforming our Desire to Receive for Ourselves to a Desire to Receive for Others. I am part of the Curators Guild (Sephiroth), through which Ein Sof (The Infinite) reveals Itself!

Teenvestors Cebu (Road to Financial Freedom Channel). This service is exclusive to Steemians following the Steemph.cebu trail at Steemauto. Thank you for following Steemph.cebu curation trail!Congratulations! This post has been upvoted by the communal account, @steemph.cebu by jemzem being run at

Don't forget to join Steem PH Discord Server, our Discord Server for Philippines.

Bakit ang sakit 😣😣 ramdam na ramdam ko ung kwento

Kasing sakit ba ng pagiging tropazoned? Hehehe. Salamat sa pagbabasa, @itsmejayvee. 😊

Nyahahaha tama tama .. Pero may magandang balitang parating