Literaturang Filipino : Ang Anghel Nang Aking Buhay (HANGO SA TUNAY NA PANGYAYARI)

in #literaturang-filipino7 years ago (edited)

Isang maaliwalas na panahon ang bumati sa aming mag-lola. O kay sarap pagmasdan ang aking bibo at masayahing apo. Mababakas sa kanyang bawat ngiti at lundag ang tunay na kaligayahan buhat sa bertdeyan na aming pinuntahan. Binabagtas namin ang gilid ng kalsada kasabay ang mga sasakyang abala sa kanilang pagtakbo. Kami’y tumigil sa guhit na puti, ang tamang tawiran upang makarating ng ligtas sa kabilang dulo. Ang hindi namin alam, sa ikalawang hakbang ay magbabago ang lahat.

Hindi ko maintidihan ang mga sumunod na nangyari. Nakita ko ang paa ng isang babae kasabay ang kanyang tinig na ubod ng kay lakas.

“Huwag! Huwag! Huwag nyong paandarin! May tao, may tao sa ilalim!

Malinaw ang aking napakinggan ngunit hindi ko mawari kung ano ang ibig nyang sabihin. Ni hindi ko rin maunawaan ang dami ng kumpulan ng mga tao na syang bumubuhat sa akin.

“Isusunod po ang bata.”

Bata? Pagkarinig ko ng mga katagang ito at tila ba unti-unting bumabalik sa aking ala-ala ang bawat eksena. Nanghihina man ako’y pinilit kong magsalita.

“May kasama ho akong bata. Ang apo ko, ang apo ko.”

Ito ang huling kataga na aking sinambit bago ako lamunin ng dilim.

Nagising ako. Ubod ng sakit ng aking mga kalamnan. Nakita ko ang aking apo na na lulan ng isang higaan. Dumating ang aking asawa at iba ko pang kamag-anak na tumatangis. Hindi pa rin malinaw ang aking pag-iisip ngunit narinig ko ang usapan sa aking paligid.

“Bunso anong nangyari. Anong masakit sayo? Sabihin mo sa lolo.”

“Sakit po ulo ko lolo. Bangga kami lola… truck... laki.”

Ako’y nagkaulirat ng aking marinig ang aking apo. Naalala ko na ang lahat. Pinilit kong bumangon upang sya ay aking malapitan.

“Bunso ko, ang lola ito. Huwag kang matutulog ha.”
“Opo. Bakit po lola.”

“Ay masama sa iyo ang matulog. Basta’t ikaw ay huwag tutulog ha bunso ko.”

“Opo. Uhaw ako lola.. lola suka po ako… tiyan… masakit.”

Sumuka ang aking apo at sya ay dumumi ng dugo. Nasaksihan ko rin ang kanyang mabilis na pamumutla. Ayaw ko mang isipin ngunit marahil ay nalalapit na.

“Mahal ko pahalikin mo ang lola. Huling halik na siguro natin ito apo.”
“Opo.”

Mahina na ang kanyang tinig na halos bulong na lamang. Namasdan ko ang tila kasing nipis na lang ng hibla ng sinulid ang kanyang paghinga hanggang sya ay tuluyan ng lumisan. Bakit ikaw pa, ako na lang sana.

Ang pangyayaring ito ay hango sa tunay na eksena. Binago ang mga pangalan at lugar upang irespeto ang kanilang pribadong buhay. Ang batang babae ay apat na taong gulang at nasa maayos na kalagayan na ngayon ang kanyang lola.

Ayon sa salaysay ng mga kapitbahay, bago umalis sa tahanan ang maglola ay nakita nilang kulay puting bistida ang suot ng bata. Marami ang nagpatunay kung kaya’t nagtaka sila nang malaman na ang suot pala nito ay short at blusa. Wala ring pagdurugo, galos o sugat sa panlabas na katawan ng bata sa kabila ng nagkabali-bali nitong mga buto at mga durog na lamang-loob.

May mga sitwasyon na mahirap ipaliwanag at kadalasan pa nga ay masakit malaman ang mga kasagutan. Isang himala kung paanong ang lola na duguan ay nakaligtas dahil sya ang nasa ilalim ng truck samantalang ang kanyang apo ay natagpuan sa bandang likuran na masaya pa raw na nilalaro ang kadena ng truck na tila ba walang anuman na masamang nangyari. Isang mabilis at walang paghihirap na kamatayan ang sumapit sa kanyang apo. Ayon pa sa butihing lola, ang kanyang apo ay ang kanyang anghel na wari ba na ito ang sumalo sa kanyang buhay.

Isa po ako sa mga apo ni lola.


Larawan:
PIXABAY

Sort:  

napaaka husay ng iyong obra

Touching story but sad., lets give them prayers.

Nakakaiyak naman po @filipino-poetry, minsan talaga ay may mga taong tila ang anghel sa ating buhay. Nagsasakripisyo upang tayo ay mabigyan ng pangalawang buhay.