Magsusulat ako ulit
Detalyado. Klaro.
Nakalathala lahat
Mula sa kung ilang patak ng luha ang nalaglag sa lupa
Ilang gabi ang ginawang araw
Ilang unan ang nabahaan
Ilang oras ang ginugol sa kawalan, nakatitig lamang
Pinipinlit sagutin ang mga tanong tulad ng:
"Bakit ako?" "Bakit and sakit sakit nito?"
Magsusulat ako ulit
Ilalarawan kita
Ang bawat bahagi ng pira-piraso mong pagkatao
Ang mga bahaging iilan lamang ang totoong nakakaalam
Ang mga mahabang listahan ng mga kung anu-anong sakit at dalamhati na iniwan mo sa mga mundong minabuti mong sirain, guluhin, patayin
Magsusulat ako ulit
Ilalarawan kita
At mga di matapos-tapos na listahan kung bakit ako nagtiwala
Hayaan mo akong magsimula sa iyong mga mata
Yung nala-angel mong titig na dumadaing ng "Akong bahala sa iyo.
Ligtas ka dito sa tabi ko."
Yung mga bisig mong pwedeng tulugan kahit wala ng kama't unan
Yung mga di inaasahang halik
Di ko akalaing wala palang katotohanan
Yung mga ngiting mapupungay
Ngiti pala iyon ng iyong pinakakaasam na tagumpay
Yung mga salitang binibigkas mo na kahit walang kabuluhan ay pinaniniwalaan ko
Magsusulat ako ulit
Ilalarawan kita
Kung paano mo unti-unting pinaniwala,
pinaikot-ikot sa perpektong mundong iyo lamang palang gawa-gawa
Kung paano pinapasok sa iyong mundo
pinalasap ng iba't-ibang sarap
pinadama ng tila walang hanggang pagkalinga
pinakilig sa iyong mga lecheng halik
Kung paano mo ninakawan ng liwanag ang umaga
Kung paano mo ninakawan ng mga bituin at buwan ang aking mga gabi
Kung paano mo tinangay ang mga pakpak ko
ngayo'y di na nakakalipad
ngayo'y limot ko ng nilikha nga pala ako upang lumipad
Tapos na kitang ilarawan
Teka! Hindi pa pala ako tapos
Ilalarawan pa kita
Gusto pa kitang ilarawan
Kung paano tumalikod ka bigla
Isa, dalawa
Walang paalam , humakbang ka papalayo
Tatlo, apat
Sabi mo "huwag kang mag-alala"
Lima, anim
Tanga't baliw naniwala parin
Pito, walo
Yung tuluyan ng naloko mo
Siyam, sampu
Mundo'y tuluyan ng gumuho
Nagsulat ako ulit
Nailarawan na kita
Sana isang araw
Hindi na ikaw ang ilalarawan ko
(Sinulat noong Disyembre 2018, para kay G)
For the best experience view this post on Liketu
Malinaw ang emosyon.
Maayos na paglalahad.
Salamat po Sir @guruvaj. :)
Welcome ♥️
Bigla akong nalungkot sa iyong sinulat,
Pakiramdam ko'y biglang bumigat,
Hinatulan mo ng labis ang kalat,
Sang-ayon ako wag mo na syang isulat.
Nakakarefresh ang makabasa ng Tagalog na tula at blog sa hive. Nakaka pahinga ang utak sa pagbabasa ng Ingles. Haha.
Ganda ng poem ate. 💯
Salamat @dennnmarc! Pag na heart broken ako sigurado more poems to come yan hahaha
Isang napakagandang pyisa na naman galing sayo @pastivity. Talagang magaling ka magsulat ng mga tula.
Tamang heartbreak lang po @moontrader haha 😂