Philippine Mythological Fiction [PMF]: The Creation Myth

in Hive PH3 years ago

Haraya's Note: Itong kuwento na ito ay pinagtagpi-tagping mito mula sa maraming kuwento lalo pa't ito ay nakasentro sa mito ng mga tagalog, and ang kuwentong ito ay piksyunal na kuwento, nakabatay man sa tunay na mito ay hindi ito parte ng tunay at hindi din tinuturo sa paaralan. Sa madaling salita, gawa gawa lamang at likha ng kathang isip.

--

∞ The Creation Myth ∞

Nagsimula ang lahat sa wala. Walang kalawakan, walang kapangyarihan, walang batas, walang hugis, wala.

Ngunit ang paglikha ay tanging naganap lamang sa isang kisap-mata.

Unang nabuo ang Ariwanas, itong ang pangalan ng diwang nabuo, diwa ng tinatawag ngayon na uniberso.

Maliit lamang ang espasyong sinasaklawan nito, ngunit sa loob ng haraya(imahinasyon/diwa) nito matatagpuan ang tatlong makangpangyarihang enerhiya. Tatlong enerhiya na naglalaban-laban, enerhiyang kung makakawala sa tila pabilog na pader sa diwa ng Ariwanas ay magdudulot ng malaking pagbabago.

At naganap nga ito. Nakawala sa kamay ng Ariwanas ang Ilusyon at pagkatapos ay ang Espasyo. Sa pamumuno ng Espasyo, sa paglalakbay nito, ay nalikha ang kadiliman.

Habang ang Ilusyon naman ay maaring pinag-aralan ang pinagmumulan at ang hiwagang tinataglay ng kapangyarihan ng Espasyo.

Kinopya nito ang lahat ng natututunan niya. Sa loob lamang iyon ng isang saglit.

Ngunit ang isang saglit na ito ay katumbas ng milyong taon para sa Ariwanas, ginamit niya ang kapangyarihan ng Oras na natili sa kanyang diwa.

Pinalawig nito ang talino at karunungan sa haraya nito. Matapos iyon ay alam niyang magkakaroroon ng pagbabago, at mawawala ang balanse na magiging sanhi ng pagkagunaw ng buong kalawakan, magiging sanhi ng kanyang kamatayan.

Kaya naman kinontrol niya ang kapangyarihan ng Oras at inalis niya ito mula sa pagkakakulong sa kanyang diwa.

Noon din ay nalikha ang liwanag at sa gabay ng kapangyarihang iniwan ng Ariwanas ay naglabas ng apat na malalakas na puwersa ang liwanag, na tila may naglalaban-laban na lakas sa loob nito.

Ilang sandali pa ay may isang nilalang na hugis ibon ang kumawala roon, mabilis itong lumipad at umalis. Ang tanging naiwan na lamang nito ay ang punit-punit na espasyo at kadiliman.

Ilang sandali muli ang lumipas ay umapaw ang walang hanggang tubig mula sa liwanag, kasama nito ay liwanag na mayroong kakaibang init na hindi mawari.

Ang tubig ay bumulusok pababa, habang ang liwanag ay lumutang sa hangin.

At lumabas na nga ang pang-apat. Ito ay isang nilalang na may katangian ng isang ahas, at nakamamangha ang solido nitong katawan at kaliskis.

Pagkatapos noon ay muling kinuha ng Ariwanas ang Oras. Habang ang liwanag naman ay nagtungo sa malawak na anyo ng tubig, at hindi na nakita pa.

--

Si Amihan ang pinakamatandang nilalang sa kalawakan. Masasabing kasing tanda niya ang oras, na nasaksihan niya kung paano nabuo ang walang hanggang Karagatan at ang walang kasingtingkad na Kaluwalhatian.

Kasama ng kanyang edad ay ang talino at dunong na namana niya sa liwanag, pati na ang ilang sikreto ng Ariwanas.

Walang ibang ginawa si Amihan kundi ang lumipad, pinagmamasdan niya ang takbo ng kalawakan, kahit pagod na siya.

Alam ni Amihan ang patungkol sa iba pang nilalang na nabubuhay maliban sa kanya. Kaya malaya niyang pinagmasdan ang mga ito, pinapanood niya ang lima dahil na rin sa panganib na nagbabadya.

Kahit na alam niyang ang kanyang kapangyarihan ay walang kapantay at ang bilis niya walang katulad, hindi pa rin iyon sasapat para sa darating na kaguluhan.

Mula sa malayo ay natanaw niya ang isang kamangha-manghang bagay.

--

Si Ulilang Kaluluwa ay mataas ang tingin sa sarili. Ramdam niyang ang katawan at balat niya ay walang katulad, ang solidong katangian nito ay malaking dagdag sa kanyang kapangyarihan dahil nasa kanya ang pinakamatibay na depensa!

Sa isipin niyang iyon ay pinangarap niyang maging Abba, ibig sabihin Hari ng mga Diyos, na mayroong kapangyarihang hindi kayang sukatin ng kahit ng uniberso pa mismo.

Tatayo siya sa labas ng oras at susunod sa kanya ang espasyo, ang kanyang imahinasyon ay magiging realidad!

Ganoon kataas ang pangarap niya. At para matupad iyon ay kailangan niyang kuhain ang kapangyarihan ng iba pang Diyos.

Ang una sa kanyang listahan ay ang namumuno sa Kaluwalhatian, si Bathala na ang kapangyarihan ay walang kasing tingkad at kasing init na tila kayang tunawin ang kahit na anong bagay na didikit dito.

Ilang saglit lang ang inabot para makarating siya sa Kaluwalhatian. At nang magtagpo nga ng paningin ang dalawa ay agad na sumabog ang laban sa pagitan nila.

Parehong mapagmataas ang dalawa at kita nilang may masamang intensyon na bitbit ang isa para sa isa at pabalik.

Dahil ayaw padaig ng dalawa ay nagpatuloy ang labanan nila ng tatlong araw at tatlong gabi.

Sa huli ay nagapi ni Bathala si Ulilang Kaluluwa ng gamitin niya ang kapangyarihang nakapaloob sa Kaluwalhatian, nagdulot iyon upang matanggal ang kaliskis ni Ulilang Kaluluwa at nahulog iyon sa Karagatan.

Habang ang katawan naman ni Ulilang Kaluluwa ay naging abo dahil na rin sa nawala ang proteksyon ng kanyang kaliskis at dahil na napakainit na apoy ni Bathala.

--

Nagkaroon ng malawakang kaguluhan sa Karagatan. Nagbagsakan ang kungkretong mga bagay na nagdulot ng pagkamatay ng maraming nilalang na nilikha ni Aman Sinaya.

Si Aman Sinaya ay ang Diyosang namumuno sa malawak na Karagatan. Sa pagbagsak ng solidong kaliskis ni Ulilang Kaluluwa ay medyo nagulat siya rito ngunit ang kanyang galit ay umabot sa hangganan at maaring tumingin siya sa kinaroroonan ng Kaluwalhatian.

Sa galit ay ikinumpas niya ang kanyang kamay at naglalawakang mga tubig ang tumungo papunta sa Kaluwalhatian, ngunit agad na pinrotektahan ni Bathala ang kanyang nasasakupan.

Subalit hindi doon nagtatapos ang lahat, dahil sa galit ng isa sa isa ay araw araw na lumilikha si Aman Sinaya ng mga tubig na hugis tungkod.

Habang si Bathala naman ay palaging pinoprotektahan ang kanyang nasasakupan.

At doon nagsimula ang alitan sa pagitan ng dalawang Diyos.

--

Si Galang Kaluluwa ay mahilig maglakbay. Gamit ang pakpak niya ay nilipad niya ang kalawakan, at pinaghihilom ang mga punit sa espasyo't kadiliman.

Hindi niya alam na ito pala ang magiging sanhi ng paglawak ng pagitan sa Karagatan at Kaluwalhatian.

Sa kanyang paglalakbay ay napagtanto niya na ang lawak ng Karagatan ay mula sa simula ng kalawakan hanggang sa dulo nito.

Pero hindi iyon ang pinakaespesiyal na natunghayan niya, kundi ang nagniningning na Kaluwalhatian, agad siyang naakit sa lugar dahil sa walang hanggang kadiliman na bumabalot sa uniberso ay ito lamang ang may kapangyarihang balutin ang mga ito.

Walang pagmamadali sa kanyang kilos, mahinahon at malumanay ang presenyang lumalabas sa kanya.

Ilang buwan lang ay nakarating na nga siya sa Kaluwalhatian. Doon nakadaupang palad niya si Bathala na hinihintay na ang kanyang pagdating.

At mabilis na naging magkaibigan ang dalawa, sadya yatang nakatadhana ang pagtatagpong iyon.

Isinalaysay ni Galang Kaluluwa ang kanyang karanasan sa paglilibot sa kalawakan. Pati na ang mga punit sa espayo at kadiliman.

Nabalot naman ng kuryosidad si Bathala at sinubukang tanawin ang mga bagay na sinabi ni Galang Kaluluwa, at hindi pa siya nakuntento at pumunta sa lugar kung saan may punit.

Agad din namang umalis si Galang Kaluluwa pagkatapos ng isang linggo, sinabing kailangan niyang maglakbay at ayusin ang punit na iyon.

Ngunit makalipas lang ang ilang buwan ay muling bumalik si Galang Kaluluwa sa Kaluwalhatian, sa una ay normal pa ito. Ngunit nakita ni Bathala ang labis na panghihina nito, lumipas ang mga araw na ganoon ang sitwasyon kaya labis siyang nabahala.

Agad siyang umalis upang tingnan kung ano ang nangyari. Ngunit bigo siya sa kanyang pag-iimbestiga.

--

Wala sa sariling napalibot-libot si Bathala sa kalawakan, walang patutunguhan. Labis ang lungkot na kanyang nadarama dahil sa pagkamatay ng kanyang kaibigan.

Alam niyang may mali, alam niyang may kung anong naging dahilan ang pagkamatay ni Galang Kaluluwa, ngunit kahit anong gawin niya ang hindi niya iyon matuklasan.

Ilang taon ang lumipas ay bumalik siya sa kanyang nasasakupan. Bagsak ang balikat. Ngunit sa kanyang pagdating ay nakita niya ang isang puno, punong parehong sumisimbolo kanila Ulilang Kaluluwa at Galang Kaluluwa.

Nagbibigay iyon ng malakas na presensiya ng buhay at pagka-Diyos. Ngunit hindi sapat iyon upang ikumpara sa tunay. Ang mga Diyos ay imortal at makangpangyarihan. Hindi kayang bawiin ng oras ang kanilang buhay. Tanging kung maglalaban-laban lamang ang mga Diyos ay magiging sanhi ng kanilang kamatayan.

Ito rin ang dahilan kung bakit alam ni Bathala na may mali sa pagkamatay ni Galang Kaluluwa.

Muling nabuhayan si Bathala, dahil ang kanyang pangarap ay matutupad na. Kinuha niya ang puno at agad na itinanim iyon sa Kalupaan, ang resulta ng pagbagsak ng kaliskis ni Ulilang Kaluluwa, na ikinabigla naman ni Aman Sinaya kaya hindi na niya iyon napigilan.

Nang sumayad ang ugat ng puno sa Kalupaan ay agad na pumunta iyon sa kailaliman upan matagumpay na tumayo roon, hindi kayang tinagin at tumbahin ng kahit na anong puwersa. Nakapirme ito, sa pinakamatibay na depinisyon ng malagong puno sa matabang lupa.

Mula sa tubig, lupa at puno, ang presensiya ng buhay ay tuluyan ng naging totoo. Isang panahon sa panibagong yugto ng uniberso. Kung kailan ang mga mortal ay isisilang.

--

Si Sitan ay ang Diyos na naninirahan sa Kasamaan. Ang lugar na kung saan ang kadiliman ay siyang nagsisilbing liwanag sa lugar. Nagmumula iyon sa isang piraso ng bagay na hindi maaaring hawakan ng kahit na sino maliban kay Sitan.

Habang nasa Kasamaan ay kitang kita niya ang kaganapan sa iba pang bahagi ng uniberso. Nasasaklawan ng kanyang paningin ang lugar kung saan may kadiliman.

Nanliit ang kanyang mata ng makita niya ang pagdapo ni Amihan sa puno na itinanim ni Bathala sa Kalupaan.

Tinuka nito ang puno na naging dahilan upang mahati ito sa gitna.

Doon at noon din lumabas ang dalawang nilalang, mayroon silang mahabang buhay at tatak ng pagka-Diyos na nananalaytay sa kanilang katawan.

Hindi maiwasang mapangisi si Sitan. Dahil sa nakita niya, mas magiging interesante ang takbo ng tadhana. Ang kanyang kamay ay nagliwanag, ngunit ang liwanag na lumalabas roon ay kadiliman.

Nilakbay nito ang takbo ng oras, dahil na rin sa naaral niya ang kapangyarihan at misteryo na bumabalot rito.

At hindi siya nadismaya sa kanyang natuklasan kahit pa ang kabayaran nito ay ang malubhang sugat na kanyang natamo.

Bago siya pumikit ay nakita niya kung paanong nagpalitan ng atake sina Bathala at Aman Sinaya, pero wala siyang paki. Nakita niya na ang magaganap.

At alam niya bilang lamang ang may kakayahang baguhin ang hinaharap, at isa siya doon.

--

Yumanig ang kalupaan sa pagsasalpukan ng dalawang kapangyarihan, maari naman iyong tiningnan ni Amihan mula sa malayo.

Habang may isang lalaki na lumabas sa Puno ng Buhay. Ang kanyang katawan ay naglalabas ng napakalakas na enerhiya, pisikal na enerhiyang walang katulad.

Sumunod sa kanya ay isang dilag, at nang masilayan ng mundo ang kanyang wangis ay tumahimik ang hangin. Ang nagngangalit na pagsabog mula sa malayo ay tila naging musika ng pagsalubong, ang kadiliman sa uniberso ay binalot ng kakaibang liwanag.

At nahiya ang mga nilalang sa angkin niyang kagandahan.

Mula sa wika ng mga Diyos, ang salitang Malakas ay inihambing sa enerhiyang taglay ng lalaki kaya iyon ang naging kanyang pangalan. Ang mundo ang nagdikta nito, ang matatawag na Sansinukob.

Katulad ni Malakas ang pangalang Maganda ay ibinasbas ng Sansinukob sa dalaga, ito ay matatagpuan rin sa wika ng mga Diyos.

Ang Sansinukob ay labis na natuwa, hindi makakailang sa pagtapak ng ninuno ng mga tao sa Kalupaan ay nagdugtong-dugtong ang anim na lugar sa uniberso, ang Kalupaan, Kalangitan, Karagatan, Kaluwalhatian, Kuweba, Kasamaan. Ngunit tanging ang unang apat lamang ang alam ng karamihan sa mga mortal at mga Diyos.

--

«End of The Creation Myth»