Matalim kong pinag-isipan kung papano simulan.
Ang tula ng pag-ibig na ikaw ang dahilan.
Sa obra ko’y ikaw ang pangunahing tauhan.
At ikaw ang bibida hanggang katapusan.
Sinadya kong gawing mas teknikal pa yung konsepto.
Sa simple’t karaniwan ay di nakuntento.
Ikaw ang lohikang laman sa bawat konteksto.
At ang nawawalang bahagi, na saki’y kumumpleto.
Ito nga pala ang TULA kong ginawa.
Para sa TULAd mong TULAk ng bawat gunita.
Para sa akin ikaw ay misTULAng diwata.
Na sa twina sa aki’y nagpapaTULAla.
Ito'y ULAT ng TULA at kahit ma-UTAL ay bibigkasin pa din.
Para sa sinisintang DALAGA na ALAGAD ng sining.
Ako’y hamak lang na MAKATA, TAMA KA sayong dinig.
Ngunit handa kitang PAG-IGIB para sa hinihiling kong PAG-IBIG.
Kalakip ng mga letrang pinag KABIT ang BAKIT na tanong.
Ka-PALIT ang pag-LIPAT at pag-LAPIT ng mga letra sa saknong.
Anuman ang gamitin na WIKA ay IKAW pa din ang magiging kahulugan.
BAGAYAN at GABAYAN man ng BANYAGA ay walang kabuluhan.
Tanging ligaya ang dulot mo sa DAMDAMIN na aking DINAMDAM.
At ng dahil SAYO ay naging AYOS ang aking pakiramdam.
KAPIT ang kapirasong PITAK ng oras mo.
Ang nagbaliktad sa SAKIT na nagsilbing TIKAS ko.
Oo ikaw ang dahilan.
At nilalaman ng ginuhit ng LAPIS at mga papel na na-PILAS ko.
Tawirin ma'y ilang BATIS, SIBAT man ang harapin ay hindi maduduwag.
Buong tapang na susuungin ang DUSA upang maka-USAD.
Wala naman akong kamay na BAKAL at masamang BALAK.
Isa lang naman ang aking PAKAY, yan ay iyong YAKAP.
SAMPU na SUMPA man ang aking danasin.
Mapatitig man sa SALAMIN ng intsik at MALASIN.
Ilang beses man na ang aking HANGARIN ay HARANGIN.
Mananatiling ikaw lang ang INAASAM at patuloy kong AASAMIN.
Ma-BITAG man sa BIGAT at ALAB ng mga BALA na sa akin ay tatama.
Ang yong pag-ibig na ASAL ang magiging ALAS ko sa bawat mga SALA.
Ituring man na may SAYAD sa kahibangang SADYA.
Tanging ang dalisay kong pagmamahal ang ALAY sa pag-LAYA!
Ikaw ang HATAK ng gunita upang mabuo ko ang KATHA.
Isang HALIK mo lang ang katumbas ng pinaghirapan kong LIKHA.
Ikaw ang nagsilbing PAMAGAT sa PAGTAMA ng tugma.
Mga TINGI lang ng iyong NGITI ay PATAS at SAPAT na.
Sa puso ko’y naka LAGAK at GALAK ang tanging dinudulot.
Ikaw ang LAKAS sa SAKAL at sakit ng bangungot.
Ikaw ang kahulugan ng SAWIKAIN, oo dahil IKAW NAIS ko!
At ngayon na ako’y nag-TAPAT ng damdamin ko.
Oh wag mo ng isipin ang TAPAT pagkat kahit anong baliktad mo,
Ako’y mananatili pa ding TAPAT sa pag-ibig ko sayo.
Pinagmulan
06 / 11 / 2018isinulat ni : @ruelx